PAARALANG ELEMENTARYA NG SAN ROQUE
PIYESA PARA SA PATIMPALAK NA BALAGTASAN
Tema ng Buwan ng Wika: “Ang Filipino, Wikang Panlahat,
Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas”
Paksang Pagtatalunan: Alin ang nararapat na maging Wikang Panlahat,
Wikang Filipino ba o ang ating Lingua Franca?
Isinulat ni: Mrs. Ucille P. Galvez
______________________________________
Lakandiwa: Ako’y isang Lakandiwang nagbuhat pa sa San Roque
sa Paaralang Elementarya na ‘king tinatangi,
at ngayon ay boung galang na sa inyo’y bumabati
at umaasang nawa ang paksa ay mapaglilimi
Upang patimpalak na balagtasan ay magwawagi.
Paksang aking ilalatag, pakiwari’y mahalaga
Dahil ang pagtatalunan ng ating mga makata
Ay kung anong wika ba ang magiging wikang panlahat
Filipino ba na pambansang wika at kilala pa
O lingua franca na sa pagkabata’y nasa labi na.
Kaya’t itong Lakandiwa sa inyo’y nag-aanyaya
Ng dalawang mambibigkas na mahusay at kilala
Upang pagtalunan ang paksang aking itinalaga.
Ang hiling ko lamang ay palakpakan silang dalawa
Panig nilang ihaharap ay suriin at magpasya.
Wikang Filipino: Ako ay isang batang kay Manuel Quezon nagpupuri
Naniniwalang, Wikang Filipino ang minimithi
Upang bawat Pilipino ay magkakaisa lagi
Lahat ng hangarin ng mga damdaming sumisidhi.
Lingua Franca: Ang iyong lingkod ngayon ay nagmula pa sa malayo
Sa Balagtasang ito, magiliw akong sumasamo
Gamit na wikang nagmula sa kinagisnang ninuno
Aking ipaglalaban upang ating isasapuso
Lakandiwa: Atin nang natunghayan mga makatang maglalaban
Nagmula pa sa bayang kanilang kinabibilangan
Ang isa’y nagmula pa sa pulo ng Kabisayaan
Itong magandang dalaga’y sa Katagalugan naman.
Wikang Filipino: Sa ating Wikang Filipino ako ay nagpupugay
Wikang ginagamit sa Luzon, Visayas at Mindanao
Kaya kilala ng lahat, ginagamit araw-araw
Kahit saan ka magpunta, siya’y magsisilbing tanglaw.
Wikang Filipino, narapat maging wikang panlahat
Ito’y pamana ni Pangulong Quezon para sa lahat
Samantalang lingua franca sa pagkakaisa’y salat
Sa malalayong probinsya lamang ito nararapat.
Lingua Franca: Dahan-dahan sa pagsalita katunggaling maganda
Sapagkat nasasaktan mo mga taong maralita
Sariling wika’y ‘di tumututukoy sa wikang pambansa
Kundi sa wikang nakagisnan at laging nasa baba.
Lingua Franka ay nararapat na hindi kalimutan
Ito’y salamin ng kultura ng bawat lalawigan.
Sa likod nito’y paniniwala ng ‘ting kababayan
Sa Lingua Franka, tuwid na landas ang magiging daan.
Wikang Filipino: Nagkamali ka sa iyong paniwala katunggali ko
Ang sariling wika natin ay ang Wikang Filipino
Surian ng Wikang Pambansa pa ang nagbuo nito
Upang magkakaintindihan lahat ng Pilipino.
Ang lingua franca ay hindi ko naman minamaliit
Ito’y atin na mula noong tayo’y isa pang paslit.
Ngunit iilang tao lamang ang dito’y gumagamit
‘Di tulad ng Filipino, gamit kahit nakapikit.
Filipino ang nararapat na maging wikang panlahat
Sa kalakalan, sa paaralan at maging sa simbahan
Kahit sa pagbabalita, hindi mo ba nakikita
Kapag Filipino ang gamit hindi ka matutunganga.
Matuwid na landas, handog ng Wikang Filipino
Gamit ng mga guro bilang kanilang wikang panturo
Sa simbahan man upang sa wastong aral ay matuto
Sa pamahalaan man upang batas ay mabubuo.
Lingua Franca: Paano magiging panlahat ang wikang Filipino
Kung ang tao ay gumagamit ng mga dayalekto
Lumibot ka sa ‘ting pitong libo’t isang daang pulo
Mapapatunayan mo na sinasabi ko’y totoo.
Sa paaralan, guro nga’y nagturo ng Filipino
Ngunit isinasalin pa rin sa mga dayalekto.
Sa paggawa ng batas, di ba Ingles din katuto ko?
‘Di mo masasalin ang Konstitusyon sa Filipino.
Sa simbahan, gamit ng pari ay dayalekto
Dahil kung hindi, mga tao ay tutunganga rito
Kaya lingua franca, wikang panlahat ng mga tao
Daan sa matuwid na landas ng mga Pilipino.
Lakandiwa: Sadyang ang ating baya’y puno ng salinlahi
Saan mang sulok may nagkakaisa’t may minimithi
Gamit na wikang natutunan sa labi namutawi
Ito’y pinapahalagahan at hindi winawaksi.
Ang Lingua Franca’y simbolo sa mayaman nating lahi
Lahing Pilipino’y laging angat sa anumang lipi
Mga dayalekto hayaang mamutawi sa labi
Ating salinlahi dapat ay ating ipagbubunyi.
Bagamat ganun man, ating bansa’y nangangailangan
Isang wikang pambansa na ating magiging sandigan
Wikang daan tungo sa ating pagkakaintindihan
At pambansang pagkakakilanlan kahit saan ka man.
Wikang Filipino, ang siyang ating wikang pambansa
Nararapat tangkilikin at dapat na idambana
Ito’y magbubuklod sa mga dayalekto ng bansa
Upang tayo’y magkaisa sa puso, isip at diwa.
Ngayong napakinggan na natin ang dalawang makata
Malalaman na ninyo ang hatol ng lingkod nyong aba
Ang kanilang napiling wika kapwa ay mahalaga
Maging Filipino man ang gamit o ang lingua franca
Gamit sa kaunlaran ng ating bansang sinisinta.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento